Anim na tama ng bala ng baril sa ulo, leeg at balikat ang tumapos sa buhay ni Executive Judge Voltaire Rosales ng Tanauan City Regional Trial Court Branch 83, tubong Barangay Aplaya, Bauan, Batangas at kasalukuyang naninirahan sa Dasmariñas, Makati City.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Chief Inspector Florendo Saligao, police chief ng Tanauan City, Bandang alas-11:45 ng umaga matapos na lumabas ng opisina si Judge Rosales ay nagmaneho na ng kanyang Pajero na may commemorative plate number 16D83 at binagtas ang kahabaan ng Gonzales Street.
Pagsapit sa panulukan ng Platon Street ay hinarang ng itim na motorsiklo at L300 van na sakay ang mga hindi kilalang armadong kalalakihan.
Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, mabilis na nagsibaba sa motorsiklo at van ang mga armadong lalaki at kasunod nito ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril bago nagsitakas sa hindi nabatid na direksyon.
Base sa pahayag ng pulisya na nagsasagawa nang malawakang imbestigasyon sa naturang kaso, si Executive Judge Rosales ay posibleng biktima nang pataksil na pagpatay ng mga na-convict na akusado na nakatanggap ng negatibong hatol mula sa naturang hukom.
Napag-alaman pa na si Judge Rosales ay humahawak ng mga kasong heinous crimes kabilang na ang may kaugnayan sa droga, rape at kasong masaker.
Nabatid pa sa mga abogadong malapit kay Judge Rosales, maraming natatanggap na pagbabanta sa buhay ang hukom bago pa siya mapaslang kahapon ng umaga. (Ulat ni Arnell Ozaeta)