16 tulak tiklo sa drug bust
June 7, 2004 | 12:00am
CAVITE Aabot sa labing-anim na sibilyan ang iniulat na nasakote ng pulisya sa isinagawang magkakahiwalay na drug bust operations sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kahapon. Kabilang sa mga sinampahan ng kaukulang kaso ay nakilalang sina: Eduardo Ilano, Froilan Umali, Alfalier Cadavedo, Sonny Balag, Roberto Martillano, Joseph Velaro, Jennifer Talacay, Rodarlie Dela Cruz, Enrique Tamayo, Benjamin Degamo, Cesar Olfato, Bonifacio Rarang Sugcang, Rafael Cabel, Rico De Guzman, Rudyard Quinto at Allan Naig. Nakumpiska sa mga suspek ang hindi pa nabatid na gramo ng shabu, marijuana, mga bala ng baril, patalim at shotgun. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
CAMP CRAME Isang 33-anyos na barangay tanod ang pinagtataga hanggang sa mapatay ng barangay kagawad makaraang maghamon ng duwelo ang biktima sa Barangay Advincula, San Remegio, Antique kamakalawa. Napuruhan sa ulo ng jungle bolo ang biktimang si Jose Tumagtag, samantalang ang suspek na si Gideon Mistas, 44, ay agad na tumakas matapos na isagawa ang pamamaslang. Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya, na tinungo ng biktima ang kinaroroonan ng suspek para maghamon ng duwelo. Napikon ang suspek sa tinuran ng biktima kaya agad na kumuha ng jungle bolo at hinalibas ng taga ang kasamahang barangay tanod. (Ulat ni Joy Cantos)
CAVITE Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na mandarambong ang iniulat na dinakip ng pulisya makaraang holdapin ang tatlong sibilyang naglalakad sa magkakahiwalay na barangay sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina: Camal Sarif ng Barangay Datu Esmael; Antonio De Guzman ng Barangay San Lorenzo Ruiz 1; Bien Macaraig ng Barangay Burol 2 at Wilson Tameses ng Barangay Salitran 3 ng nasabing bayan. Naibalik naman ang sinikwat na pera, alahas, 3 cell phone sa mga biktimang sina: Lucia Penales, Feliza Cabiera at Virginia Avila. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
BALANGA CITY, Bataan Pinaniniwalaang aabot sa 8,000 estudyante ang hindi makapag-eenroll sa Bataan Polytechnic State College (BPSC) sa darating na pasukan makaraang hindi maibigay ng bagong halal na gobernador ang ipinangako nitong libreng edukasyon sa mga kabataan sa nasabing lalawigan. Napag-alaman na aabot sa P72-milyon ang kailangang halaga ng provincial government para matupad ang programang ipinangako ni Bataan Governor Enrique "Tet" Garcia. Ayon sa mga nanalong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na kinakailangang ipaliwanag ni Garcia kung papaano at saang pondo kukunin ang malaking halaga. (Ulat ni Jonie Capalaran)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest