Walang inirekomendang piyansa si Cadiz City Prosecutor Frances Guanzon laban sa mga akusadong sina: Fire Senior Inspector Romeo Gigato Jr., Cadiz City fire chief; Alex Dorado Villanueva, Roxan Cañedo Lagura, Rodgelino Mahinay Cañedo, Antonio Nerio Magracia, FO1 Andrew Domino Zamora at dalawang hindi nabatid ang pangalan.
Base sa reklamo ng biktimang pansamantalang itinago ang pangalan, nagtungo siya sa bahay ng asawa ni Villanueva sa Gardenville Subdivision sa Barangay Daga, Cadiz City noong Abril 18, 2004.
Ayon pa sa salaysay, puwersahang pinahithit ng shabu ang biktima at pinagbantaang papatayin kapag hindi inalis ang saplot sa katawan hanggang sa nakipagbuno ang katulong kay Villanueva; subalit, dalawang ulit na naisagawa ang maitim na balak.
Dinala naman ni Villanueva ang biktima sa Cadiz Fire Station na kung saan ay sinabihan nito ang hepe na si Gigato Jr. "Sir, dinalhan kita ng batang laman, regalo ko sayo to," ayon pa sa reklamo ng tinedyer.
Namataan pa mismo ng biktima si Gigato na inabutan pa ng pera si Villanueva saka siya dinala sa kuwarto at pinagparausan. Makaraan ang ilang minuto ay nasundan pa ito ng anim na kalalakihan matapos na dalhin ang biktima sa ibabang palapag ng fire station.
Nakatakas naman ang biktima noong Abril 22 at noong Abril 23 ay sinamahan ng magulang sa himpilan ng 602nd Regional Mobile Group sa Barangay Old Sagay, Saga City upang ireklamo ang mga suspek.
Dinakip ng mga tauhan ng Regional Mobile Group si Villanueva sa kanyang bahay noong umaga ng Abril 23, 2004 at positibo naman itinuro ng biktima ang pitong suspek sa Cadiz City Fire Station, ayon sa prosecutor.
Sa counter affidavit ni Gigato, pinabulaanan nito ang akusasyon ng 17-anyos na biktima na ikinulong niya ang tinedyer sa fire station.
Sa counter affidavits ng mga akusado, lumalabas na inilagay nila ang alibi at pinabulaanan ang nabanggit na akusasyon, subalit walang anumang dahilan ang biktima, kundi mabigyan ng hustisya ang naganap na krimen. (Ulat ni Antonieta B. Lopez)