Sekyu tinubo,tigok

Camp Pantaleon Garcia, Cavite – Hindi na nagising pa sa kanyang pagkakatulog ang isang security guard matapos itong pukpukin sa ulo ng di pa nakilalang salarin sa Brgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng madaling-araw.

Basag ang bungo nang matagpuan ng kanyang live-in partner ang biktimang kinilalang si Roy Limbag, 40-anyos, stay-in security guard sa Dumpsite, Brgy. Salawag ng bayang ito.

Sa report ni P/Chief Inspector Antonio Yarra, hepe ng Dasmariñas Police, bandang alas-5:20 ng madaling-araw nang madiskubre ni Ema Ruelo, 42, ang duguang bangkay ng kanyang kalive-in sa binabantayan nitong dumpsite sa naturang lugar.

Pinaniniwalaan namang ang biktima ay hinataw ng matigas na bagay na siyang ikinabasag ng bungo nito.

Ang biktima ay huling nakitang buhay dakong alas-10 ng gabi habang naglalaro ng tong-its at nagpapaantok. Sa kasalukuyan ay wala pa ring matukoy na suspek ang pulisya sa naganap na krimen. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments