Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cordillera Director P/Supt. Danilo Flordeliza na tatlong ahente mula sa US Drug Enforcement Agency (DEA) ang magsasagawa ng seminar sa anti-narcotics agents sa bansa.
Nabatid na magdaraos ng anti-illegal drugs summit ang mga opisyal ng US narcotics na dadaluhan ng kanilang mga Filipino counterparts.
Nilalayon ng nasabing summit na higit pang mapalakas ang operasyon ng anti-narcotics agents ng bansa sa pagtukoy at paglipol sa marijuana na karaniwan nang itinatanim sa mga bulubunduking lugar, partikular na sa bahagi ng Cordillera.
Magugunita na nitong nakalipas na taon ay dapat nagdaos na ng summit ang magkabilang panig subalit pansamantala itong ipinagpaliban sa di pa mabatid na kadahilanan.
Sa talaan ng PDEA ang Cordillera Region, ang numero unong pinanggagalingan ng marijuana sa lalawigan kung saan 70% ng kabuuang tanim ng nasabing bawal na dahon ay natukoy sa nasabing rehiyon. (Ulat ni Artemio Dumlao)