7 NPA rebels patay sa engkuwentro

LEGAZPI CITY – Pitong rebeldeng New People’s Army (NPA) na pinaniniwalaang ginagamit na goons ng mga kandidato ang napatay ng mga awtoridad sa naganap na engkuwentro sa Barangay Lagta, Baleno, Masbate kamakalawa ng hapon.

Isa sa napatay ay nakilalang si Teogenes Rapsing, samantalang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng anim na kalalakihan.

Base sa ulat na nakarating kahapon kay Police Chief Supt. Jamie Lasar, provincial director, naitala ang sagupaan dakong ala-1:30 ng hapon sa labas ng bahay ng nagngangalang Alex Albao.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may mga armadong kalalakihan na nagtitipon-tipon sa nasabing bahay kaya agad na tinungo upang kumpirmahin.

Papalapit pa lamang ang mga elemento ng militar at pulisya ay sinalubong na sila ng sunud-sunod na putok mula sa loob ng bahay hanggang sa gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Matapos na mahawi ang makapal na usok ay natagpuang nakabulagta ang pitong kalalakihan na may hawak pa ng malalakas na kalibre ng baril. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments