Mag-utol napatay sa sagupaan ng militar vs NPAs

LEGAZPI CITY – Tinamaan ng ligaw na bala ng malalakas na kalibre ng baril kaya napatay ang mag-utol na menor-de-edad makaraang magsagupa ang tropa ng militar at grupong New People’s Army (NPA) sa Barangay Recto, Bulan, Sorsogon kamakalawa.

Kinilala ang mga biktimang sina: Mylene Galloso, 14 at Raymund Galloso, 7 na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Base sa ulat, nagsasagawa ng combat patrol ang tropang 21st Infantry Battalion ng Phil. Army nang makasagupa ang mga rebelde dakong alas-3:20 ng hapon.

Agad na sumiklab ang umaatikabong putukan hanggang sa umatras ang mga rebelde patungo sa liblib na bahagi ng Barangay Danao.

Nadiskubre ang mga bangkay ng mag-utol matapos na magsagawa nang clearing operation ang tropa ng militar.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya, na kasalukuyang naglalakad ang mag-utol nang sumiklab ang engkuwentro. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments