Pier tinaniman ng bomba

CAMP AGUINALDO – Nasilat ang madugong pagpapasabog matapos marekober ng tropa ng militar ang bomba na itinanim sa ‘fish port’ ng Occidental Mindoro kamakalawa.

Kasabay nito, 25 sako naman ng pampasabog ang nasabat sa checkpoint sa bisinidad ng Sitio Depot, Brgy. Ulip, Monkayo, Compostella Valley.

Base sa ulat ni Army’s 204th Brigade Commander Col. Fernando Mesa, bandang alas-5 ng hapon nang marekober ng mga operatiba ng Army’s 16th Infantry Battalion (IB) at Maritime Marshall ang improvised explosive device na itinanim sa pantalan ng Caminawit, San Jose, Occidental Mindoro.

Ang narekober na bomba ay may sukat na 19 haba at 4 na diametriko na nakalagay sa bronze case.

Nabatid na isang Rolan Agnas, 43, residente ng nasabing lugar ang nag-ulat sa mga awtoridad sa nakita nitong inabandonang kahina-hinalang bagay na natuklasang bomba na itinanim sa buhanginan ng nasabing lugar.

Sa isa pang insidente, iniulat naman ni Army’s 4th Infantry Division Commander Major Gen. Samuel Bagasin ang pagkakasamsam ng 25 sako ng sangkap sa paggawa ng pampasabog sa checkpoint sa bayan ng Monkayo.

Nabatid na ang sampung sako ng pampasabog ay nakuha habang lulan ng isang Fuzo Center truck na may plakang LPT 913 habang ang 15 pa ay nasabat naman na lulan ng Fuzo Center na may plakang XPD 792 sa magkahiwalay na operasyon sa Brgy. Ulip ng nabanggit na lugar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments