Base sa ulat, ang 30-minutong bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ni re-electionist Mayor Melencio De Sagun at Independent mayoral bet Benigno "Ignoy" Colorado sa kahabaan ng Capitol Hills Subdivision ay ikinasawi nina: Noel Sierra, 37, provincial jail guard; Teodoro de Jesus, 38, kagawad sa Barangay Gregorio; Ramon Vinallon, presidente ng naturang subdivision at dalawa pang bineberipika ang pagkikilanlan na pawang mga supporters ni Colorado.
Kabilang naman sa dalawang residente ng naturang lugar na tinamaan ng ligaw na bala ay nakilalang sina: Annie Larbo at JP Buenaventura habang ang iba pang sugatan ay ginagamot sa Dela Salle UMS Hospital at Tanza Family General Hospital.
Sinabi ni Police Superintendent Roberto Soriano, Cavite intelligence and investigation chief, ang bakbakan ay nagsimula dakong alas-10:30 ng gabi na may natanggap na tawag sa telepono si Colorado mula sa nagpakilalang Tess Distor na kanyang tauhan at humihinggi ng proteksyon laban sa umano'y mga tauhan naman ni De Sagun na umaaligid sa kanyang bahay sa hindi nabatid na dahilan.
Agad naman nagpadala ng mga tauhan si Colorado sa naturang lugar lulan ng anim na sasakyan upang mag-usisa at protektahan si Distor, subalit habang binabagtas ang kahabaan ng Capitol Hills Subdivision ay nakasalubong nila ang mga tauhan ni De Sagun kaya nagkaroon nang mainitang pagtatalo hanggang sa umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril na ikinasawi ng anim.
Dinakip naman sina: Jose Mojica, 42, dating kawal ng Phil. Marines at Marvin Villa, 26, civilian security na nakatalaga kay Mayor De Sagun.
Isinailalim na sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang Trece Martirez City habang pinag-aaralan pa kung isasailalim ang buong lalawigan ng Cavite. (Ulat nina Cristina G. Timbang,Joy Cantos at Rene Alviar)