Sinabi ni Mayor Louwen Marquez, spokesman ng Armys 47th Infantry Battalion (IB) ang insidente ay naganap bandang alas-6:30 ng hapon habang nagsasagawa nang pagpupulong ang biktimang si Tapaz mayoralty candidate Onyo Gloria sa Brgy. Aglinap sa kanilang bayan.
Bigla na lamang sumulpot ang mga armadong rebelde na pinamumunuan ng mga kinilala sa alyas na Ka Tonying, Ka Marlon at Ka Mayok ng Eastern Central Front Committee na pawang armado nang paligiran ang lugar kung saan nagpupulong ang nasabing grupo ng mga kandidato.
Walang nagawa ang mga biktima nang tutukan ng baril at limasin ang kanilang mga salaping dala na umaabot sa P10,000 cash at anim na cellphones.
Aminado naman ang opisyal na hindi sapat ang puwersa ng militar sa nasabing lalawigan upang mabantayang mabuti ang galaw ng mga rebeldeng komunista.
Magugunita na nitong nakalipas na Abril 14 ay nasangkot na rin sa kahalintulad na insidente ang mga rebeldeng NPA matapos namang harangin ang grupo ni mayoral bet Honorio Diaz at ng kasama nitong kandidatong Kongresista habang patungo ang grupo sa isa namang pagpupulong sa Brgy. Bongbongan, sa bayan ng Maayon ng nasabing lalawigan. (Ulat ni Joy Cantos)