Kabilang sa mga nadakip na suspek ay sina: Sammy Abdullah Gani, alyas Boy/Abu/Sammy, lider ng grupo; Datu Puti Ungka, alyas Pots, Monta Tonggao, alyas Raffy; at Badrodin Dalungan na pawang isinailalim sa tactical interrogation ng militar.
Base sa ulat na isinumite ni Major General Generoso Senga, Armys 6th Infantry Division chief, sina: Abdullah Gani, Ungka at Tonggao ay nasakote sa checkpoint na sakop ng Barangay Taviran, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao noong Biyernes ng gabi.
Samantalang si Balungan naman ay dinakip matapos na salakayin ang pinagkukutaan nito sa Cotabato City kamakalawa ng gabi.
Nakumpiska sa mga suspek ang hindi pa nabatid na kilong pampasabog na pinaniniwalaang gagamitin sa kanilang modus-operandi.
Inamin ng mga suspek na sangkot sila sa pagpapasabog sa Awang Airport noong Pebrero 20, 2003 na ikinasawi ng sundalo at grabeng nasugatan ang tatlong sibilyan.
Maging ang pagpapasabog sa Parang Gymnasium noong Enero 2004, na kumitil ng lima-katao at 36 naman ang nasugatan kabilang na si Parang Mayor Vivencio Bataga ay inamin ng mga suspek.
Sinisilip ng militar kung may kaugnayan ang mga suspek sa grupong "Yellow Red Overseas Organization" na pinopondohan ng matataas na opisyal ng JI terrorists para maghasik ng karahasan sa General Santos City, Cagayan de Oro City, Davao City, Cotabato City, Kidapawan City, Tacurong City at ilang prominenteng lugar sa Mindanao sa darating na Abril 30, 2004.
Kasunod nito, iniharap na ang apat ng suspek kay Pangulong Gloria Makapagal-Arroyo sa maikling press briefing sa Davao City kahapon. (Ulat ni Joy Cantos)