Magsasaka kinatay dahil sa pulutan

SAN NARCISO, Quezon – Dahil sa inihaw na isdang pulutan na pinaniniwalaang pinag-awayan, ay pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 45-anyos na magsasaka ng kanyang kainuman ng alak sa Sitio Nanangka, Barangay Bigo ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Mistulang kinatay na hayop ang katawan ng biktimang si Lito Carabido, matapos na undayan nang sunud-sunod na taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Amoy alak pa nang madakip ng pulisya ang suspek na si Alberto Condrillo, 55, may asawa at residente ng Sitio Dilaw, Barangay Villa Reyes.

Base sa imbestigasyon ni PO1 Isagani delos Reyes, naitala ang krimen dakong alas-4:30 ng hapon habang magkasamang nag-iinuman ng alak ang dalawa.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nairita ang suspek dahil pinagpipilitan ng biktima na kunin ang natirang inihaw na isdang pulutan na nauwi sa suntukan.

Dahil sa malaki ang katawan ng biktima ay hindi umobra ang suspek kaya kumuha ng itak at isinagawa ang pamamaslang. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments