Kinilala ni PNP-CIGD director P/Chierf Supt. Arturo Lomibao, ang nasakoteng lider ng Sayyaf na si Utoh Hapidin, alyas Isnorodin Lagayasan.
Sinabi ni Lomibao, na si Lagayasan ay may patong sa ulong P1 milyon at responsable sa pagdukot sa tatlong Amerikano at mag-asawang misyonaryo na kabilang sa 20-katao sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001.
Base sa ulat, si Lagayasan ay nakorner bandang alas-10 ng umaga sa bahaging sakop ng Lamitan, Basilan makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng CIDG 9 na ang suspek ay nagpapalipat-lipat ng kuta sa Lamitan at Tipu-Tipo na sakop ng Basilan.
Kasalukuyang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang nasakoteng lider ng Sayyaf.
Nagpapatuloy naman ang operayon ng mga awtoridad upang mabitag ang iba pang wanted na kasapi ng bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa kidnap-for-ransom at pambobomba sa ibat ibang bahagi ng Mindanao. (Ulat ni Joy Cantos)