Kinilala ni P/Chief Supt. Dionisio Coloma, Police Regional Office (PRO) 8 director ang mga nasawing pulis na sina PO2 Mario Udtojan at PO1 Michael Dagami, habang ang mga sibilyan ay mga empleyado ng nasabing planta ay nakilala namang sina Jaime Celeste, Jerry Flores at Aldren Alcober, sugatan naman si PO2 Andres Butana, 44 ng Brgy. Tongonan.
Sinabi ni Coloma na bago ang pananambang ay sinunog ng mga rebelde ang RIG 8 at Road 1 facility ng power plant ng PNOC sa Sitio Cambantug, Barangay Milagro Ormoc City.
Nang mabatid ang pag-atake ay mabilis namang nagresponde ang mga elemento ng pulisya na lulan ng tatlong sasakyan kabilang ang service vehicle ng PNOC, subalit habang nasa daan sa layong may isang kilometro buhat sa inatakeng lugar ay tinambangan naman ng mga rebelde.
Matapos ang pananambang ay mabilis na nagsitakas ang mga rebelde patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Sinabi naman ni AFP Central Command Major Gen. Jacinto Ligot, inatasan na niya ang mga elemento ng Armys 19th Infantry Battalion (IB) para tugisin ang mga grupo ng mga rebelde na responsable sa nasabing pag-atake.
Inalerto na rin ni Ligot ang mga tauhan ng militar laban sa posible pang pag-atake ng mga rebelde partikular na ngayoy nalalapit na ang ika-35 anibersaryo ng NPA sa darating na Marso 29 ng taong ito. (Ulat ni Joy Cantos)