6 babae nasagip sa sex den

SUBIC, Zambales – Anim na kababaihan na pawang menor-de-edad ang nasagip ng mga kagawad ng Subic-pulis at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos na salakayin ang tatlong establisamento na pinaniniwalaang sex den sa kahabaan ng Barangay Calapandayan sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Pansamantalang itinago ang mga pangalan ng anim na babae mula pa sa Bulacan, Tarlac, Cavite, Pampanga at Cebu. Ayon kay Helen Cabral ng DSWD-Subic, naisagawa ang pagsalakay sa Asian Reef Disco, Fox Hole at West-West bar matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa konsernadong mamamayan na nagsasayaw ang anim na kababaihan na walang saplot sa katawan sa loob ng naturang lugar. Dinakip naman ng pulisya ang may-ari ng West-West Bar na si Jimbo Esteban at si Gerry Ramirez na pinaniniwalaang umaaktong ‘bugaw’ at recruiter ng mga kabataan. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments