Ambush: Opisyal ng Comelec todas

CAMP CRAME – Tinambang at napatay ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ng dalawang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nagmomotorsiklo sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Poblacion West, Natividad, Pangasinan kahapon. Idineklarang patay sa Family Clinic Hospital sa Tayug, Pangasinan ang biktimang si Rodolfo Ruiz matapos na mapuruhan ng mga bala ng kalibre 45 baril. Napag-alaman sa ulat na isinumite sa Camp Crame na papasok ang biktima sa kanyang tanggapan sa naturang bayan nang dikitan ng nakamotorsiklo rin armadong lalaki saka pinutukan ng may ilang ulit. May teorya ang pulisya na pulitika ang isa sa sinisilip na motibo dahil sa malapit sa lokal na kandidato ang biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments