2 Abu patay,4 sundalo sugatan sa engkuwentro

ZAMBOANGA CITY – Dalawang kasapi ng mga bandidong Abu Sayyaf ang iniulat na nasawi habang apat namang kawal ng gobyerno ang nasugatan makaraang sumiklab ang panibagong engkuwentro noong Biyernes ng umaga sa kagubatang sakop ng Patikul, Sulu, Jolo, ayon sa ulat ng militar kahapon.

Sa pahayag ni Brig. General Alexander Yapching, commander ng 104th Army Brigade at Task Force Comet, nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng militar dakong alas-9 ng umaga nang makasagupa ang grupo ni Commander Radulan Sahiron.

Agad na sumiklab ang madugong sagupaan sa pagitan ng tropa ng 39th Marine Company at Special Operation Patrol (SOP) sa ilalim ng Marine Battalion Landing Team 9 (MBLT) laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).

Napag-alaman pa sa ulat na agad namang umatras ng Sayyaf matapos na malagasan ng dalawang bandido at pinaniniwalaang maraming nasugatan.

Apat naman sa panig ng militar ang nasugatan saka dinala sa Camp Asturias Hospital sa Zamboanga City.

Bineberipika pa ng militar ang pagkikilanlan ng dalawang Sayyaf dahil walang anumang identification cards na nakuha.

Nagpapatuloy ang operation ng tropa ng militar laban sa grupong Sayyaf na responsable sa pagdukot sa tatlong Tsino mula sa Hong Kong. (Ulat ni Roel D. Pareño)

Show comments