CAMP CRAME Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturing na ikalawang lider sa kilabot na kidnap-for-ransom gang makaraang salakayin ang pinagkukutaan nito sa Barangay Del Remegio, San Pablo City, Laguna kahapon. Kasalukuyang isinasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Rolando Fajardo matapos na masakote ng mga tauhan ng Special Task Force Company, MIG-4, National Anti-Kidnapping Task Force at National Bureau of Investigation (NBI). Magugunitang sinalakay ng mga awtoridad ang unang pinagkukutaan ng mag-utol na Fajardo sa Brgy. Pagaspas, Tanauan, Batangas may ilang araw na ang nakalilipas na nagresulta sa pagkakakumpiska ng maraming bala at baril. Sa naturang raid sa Batangas ay nadakip ang isa sa miyembro ng Fajardo gang na si Mike Garcia.
(Ulat ni Joy Cantos) P2.2m Naholdap Sa Pabrika |
CAMP VICENTE LIM, Laguna Umaabot sa P2.2 milyon na pinaniniwalaang pasahod sa mga trabahador sa pabrika ng damit ang iniulat na hinoldap ng pitong hindi kilalang armadong kalalakihan noong Biyernes ng hapon sa Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna. Base sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga armadong kalalakihan ang Hanjin Garment factory na pag-aari ni Jeong Kee Mim na isang Koreano dakong alas-4 ng hapon. Nagpanggap na mga pulis ang mga holdaper at nagkunwaring magsisilbi ng warrant of arrest sa nagngangalang Merly na naka-assign sa personnel office. Dito na dinisarmahan ang mga sekyu kasabay na sinikwat ang malaking halaga saka tumakas lulan ng Ford Everest (XHN-150) na pinaniniwalaang kinarnap. Narekober naman ang ginamit ang get-away vehicle sa parking lot ng Cabuyao Cockit arena may 2 kms. lamang ang layo sa naturang pabrika.
(Ulat ni Arnell Ozaeta) Mag-Ama Tinusok Ng Pamangkin |
CAVITE Isang 50-anyos na ama ang iniulat na nasawi samantalang kritikal naman ang anak nito makaraang saksakin ng senglot na pamangkin sa loob ng sariling bahay sa Barangay Medicion 2, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi. Napuruhan ang biktimang si Antonio Dicen, trike drayber, habang ang anak nitong si Jojie Dicen, 36, brgy. tanod ay ginagamot sa Our Lady of Perpetual Hospital. Naghihimas naman ng rehas na bakal ang suspek na si Christopher Dicen ng Brgy. Iba, Silang, Cavite. Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na inabutan ng biktima ang suspek at anak na si Jojie na nag-iinuman ng alak kaya pinagalitan nito hanggang sa magalit si Christopher. Dito na inundayan ng maraming saksak ang matandang Dicen habang tinusok din si Jojie dahil sa aktong ipagtatanggol ang ama.
(Ulat ni Cristina Timbang) NUEVA ECIJA Maagang kinalawit ni Kamatayan ang isang 15-anyos na estudyanteng Hapones samantalang tatlo pang iba ang malubhang nasugatan makaraang mahulog sa lulang traysikel ang biktima saka nagulungan ng paparating na trak sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Bakal 2, Talavera, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Binawian ng buhay sa St. Andrew Hospital ang biktimang si Hideki Kaneda, habang ginagamot naman sina Jonel Nicolas, Michael Sonata at Jayson Newingham. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na ang sinasakyang traysikel ng mga biktima ay sumalpok sa hulihang bahagi ng dyip (NCW-200) kaya tumilapon sila papalabas hanggang sa magulungan ng paparating naman trak na agad na tumakas matapos na mapansing nakasagasa.
(Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)