Anak ng militar dinukot ng Abu

CAMP AGUINALDO – Muli na namang naghasik ng terorismo ang grupong Abu Sayyaf matapos dukutin ang isang 7-anyos na batang babae na anak ng isang kawal at di pa nakuntento ay pinaslang pa ang driver ng traysikel na sinasakyan ng biktima sa naganap na insidente sa Jolo, Sulu, kahapon.

Kinilala ni AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Daniel Lucero, ang biktima na si Rachel Guhit, anak ni Master Sgt. Eddie Guhit, ng 3rd Marine Brigade at residente ng Brgy. Martirez ng nasabing bayan.

Nakilala naman ang nasawing drayber ng traysikel na si Salip Abubakar na nagbuwis ng buhay matapos na pagbabarilin nang tangkaing pigilan ang pagdukot sa batang inihahatid nito sa eskuwelahan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagdukot bandang alas-7:15 ng umaga habang papasok ang biktima sa Notre Dame Elementary School sa kapitolyo ng Jolo.

Hinarang ng mga grupo ang traysikel at kinaladkad ang bata pasakay sa kulay dilaw na Tamaraw jeep kung saan pinigilan naman ni Abubakar kaya pinagbabaril ito.

Naglunsad na ng search and rescue operations ang tropa ng Army’s 104th Brigade para sa ligtas na pagbawi sa biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments