Di nagpahiram ng trike tinodas
February 9, 2004 | 12:00am
CAVITE Pinaniniwalaang hindi nagpahiram ng traysikel ang biktima para maipasada kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng dalawang lalaki sa Barangay Pasong Camachile, General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktimang si Carlos Benedict Corpuz, 30 ng Grand Drive Side Subdivision ng nabanggit na barangay samantalang tinutugis naman ang mga suspek na sina Jimmy Andres, 31 at Rodrigo Numbrado na kapwa residente ng Barangay Tapia, General Trias, Cavite. Naitala ng pulisya ang krimen dakong alas-8 ng gabi sa bahay ng biktima matapos na magalit ang dalawa dahil hindi nahiram ang traysikel. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
CAMP AGUINALDO May posibilidad na alitan sa lupaing sinasaka ang naging motibo kaya niratrat ang grupong paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) ng mga taksil na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagresulta para malubhang masugatan ang tatlong sibilyan sa Barangay Balabac, Pikit, North Cotabato kamakalawa. Kabilang sa grabeng nasugatan ay sina Blah Datang, alyas Taras, Henry Datang, at Badasagan Datang na pawang tagasunod ni MNLF Commander Dante. Tunagal ng tatlong oras ang palitan ng putok ng magkalabang paksyon na pinangunahan naman ni Commander Kutong Makasali Talinton ang grupong taksil na MILF. Naka-alerto na ang 602nd Brigade at 40th Infantry Battalion ng Phil. Army upang mapigil ang karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)
CABANATUAN CITY Isang dating kawal ng Philippine Army na pinaniniwalaang kasapi ng "Bonnet" Gang ang dinakip ng pulisya makaraang makumpiskahan ng ibat ibang uri ng baril sa sariling bahay sa Barangay Bangad sa bayang ito noong Biyernes ng hapon. Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Raymundo Annang ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 86, sinalakay ang bahay ni Manuel Domingo ng Purok Champaca ng nabanggit na barangay. Kabilang sa nakumpiskang baril ay M-16 armalite rifle, 4 rifle grenade, bandoler, pouches, black bonnet, ibat ibang uri ng bala at motorsiklong walang plaka na ginagamit sa modus-operandi. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
KAMPO SIMEON OLA Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman ng tatlong hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang magnanakaw sa bahay ng kaibigang negosyante ng biktima sa Barangay Tabod, Placer, Masbate kamakalawa ng gabi. Napuruhan ang biktimang si Rosalio Amado na nakatayo lamang sa harap ng tindahan na pag-aari ni Felix Montuero. Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang dumating ang tatlong hindi kilalang lalaki sa naturang lugar saka isinagawa ang pagnanakaw. May palagay ang pulisya na nakilala ng biktima ang mga maninikwat kayat napilitan siyang itumba para hindi makapagbigay ng detalye sa pulisya, ayon pa sa ulat ng pulisya. (Ulat ni Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest