Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Joel Goltiao, sa kasalukuyan ay mino-monitor na nila sa tulong ng militar ang mga pulitikong nagbabayad ng campaign fee sa mga rebelde.
Sinabi ni Goltiao na ang kailangan na lamang ay matibay na ebidensya bago tuluyang masampahan ng kaso at maipatupad ang posibleng pag-aresto laban sa mga pulitikong patuloy na nagpapadala sa pananakot ng mga rebelde.
Gayunman, aminado si Goltiao na bagaman may mga pulitiko silang namo-monitor na aktibong nagbabayad ng PTCs sa NPA ay nahihirapan silang humanap ng testigo laban sa mga ito.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Goltiao ang mga pulitiko na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung nakakatanggap sila ng pananakot mula sa hanay ng mga rebeldeng komunista.
Sa panig naman ni Armed Forces of the Philippines-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Daniel Lucero, sinabi nito na may mga natatanggap din silang ulat na may mga pulitikong kandidato na maliban pa sa pagbabayad ng PTCs ay sumusuporta rin sa mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)