5 pulis grabe sa sumabog na granada

CAMP CRAME – Walo-katao kabilang ang limang pulis ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang sumabog ang pinaglaruang granada ng lalaking may diprensiya sa pag–iisip sa Magallanes St., Zone 5, Bangued, Abra kamakalawa.

Inoobserbahan sa ospital ang mga biktimang sina SPO2 Ernie Heruela, PO2 Roque Bernal, PO2 Robert Bringes, PO3 Romeo Tubera, PO2 Aldrin Alipio, Abraham Pastores, Russel Bernal, Efren Garcia, samantala, ang naglaro ng granada na si Noli Collado ay nakakulong.

Base sa imbestigasyon, rumesponde ang mga kagawad ng Bangued police station matapos na makatanggap ng ulat tungkol sa isang lalaki na naglalaro ng dalawang granada sa food court na matatagpuan sa nasabing lugar.

Nagkaroon ng matinding tensyon sa naturang lugar habang pinapayapa ng mga nagrespondeng pulis si Collado na hawak ang dalawang granada. Napag-alaman pa na napansin ni Heruela na isa sa hawak na granada ni Collado ay wala ng safety pin kaya agad nitong inagaw subalit bago pa maitapon ay sumambulat na ito na ikinasugat ng malubha ng siyam. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments