Pari hinostage ng selosong mister

CAMP CRAME – Dahil sa matinding selos matapos iwan ng asawa ay hinostage ng naburyong na mister ang isang pari na pinaratangan nitong kalaguyo ng kanyang misis sa naganap na walong oras na hostage drama sa loob ng kumbento sa Cagayan de Oro City noong Sabado.

Kinilala ang hostage-taker na napatay ng mga awtoridad matapos na mabigo ang negosasyon na si Anton Lerios, nasa hustong gulang at guitarists sa simbahan.

Ang hinostage na biktima ay nakilala namang si Father Raymar Lerios ng Holy Cross Church sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Base sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., bandang alas-9 ng umaga nang sumugod ang nasabing hostage-taker sa nasabing simbahan.

Kasalukuyan namang nagdadasal ang nasabing pari nang biglang sunggaban ng suspek na armado ng baril na pinaputukan pa nito sa ere saka tinutukan at hinostage si Father Raymar na pinagbibintangang ka-relasyon ng kanyang misis na sekretarya naman ng pari.

Binalot ng matinding tensiyon ang nasabing simbahan kung saan mabilis na nagresponde ang pulisya na nagsagawa nang pakikipagnegosasyon. Wala ang misis ng suspek sa simbahan na nagbakasyon naman sa Cebu para magpalipas ng sama ng loob ng maganap ang hostage drama.

Tumagal ang pangho-hostage ng hanggang alas-5 ng hapon kung saan napilitan na ang mga pulis na barilin ang suspek dahilan sa pagtangging palayain ang pari na naging sanhi ng kamatayan nito.

Kaugnay nito, nangako naman si Monsignor Reynaldo Monsanto, Vicar General ng Cagayan de Oro Diocese na iimbestigahan ang alegasyon ng suspek. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments