Kinilala ni P/Chief Supt. Dionisio Coloma Jr., director ng Eastern Visayas police ang suspek na sumuko matapos gamitan ng psy-war tactics na si Leo Garrido ng Barangay Macanit, Jaro.
Ang pagsuko ni Garrido ay kasunod naman ng pagkakadakip kamakalawa sa kanilang lider na si Fernando Niegos na siyang itinurong utak ng krimen at pagpatay kay Chua, isang Coca-Cola Bottling executive.
Sinabi ni Coloma na si Garrido ay mapayapang sumuko dakong alas-11:30 ng umaga, ilang oras matapos paligiran ng mga operatiba ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ang bahay nito sa nabanggit na barangay malapit sa pinagkukutaan ni Niegos.
Ayon kay Coloma, agad nilang natunton ang kinaroroonan ni Garrido matapos namang ikanta ni Niegos ang pinagtataguan nito.
Sinabi ni Coloma na sa isinagawang tactical interrogation kay Niegos, inamin nito ang pagkakasangkot sa apat na kaso ng kidnap-for-ransom kabilang na ang kontrobersiyal na Betty Chua Sy kidnap-slay.
Magugunita na si Betty Chua Sy ay dinukot ng anim na armadong kalalakihan sa Quezon City noong Nobyembre 17, 2003 at kinabukasan ay natagpuan ang bangkay sa kahabaan ng liblib na bahagi Diosdado Macapagal Avenue sa Parañaque City. (Ulat ni Joy Cantos)