Nadiskubre sa ikalawang palapag ng kanyang opisina ang bangkay ng biktimang si Sy Co Ang, alyas Hong Shai Dei, 60, at namamasukan sa Sin Seng School dakong alas-8:30 ng umaga na may dalawamput isang saksak ng patalim sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ayon kina Chief Inspectors Lorenzo Detran at Ferdinand Perez, pinasok ng mga hindi kilalang kalalakihan ang opisina ng biktima saka isinagawa ang krimen. Tinangay ng mga magnanakaw ang hindi pa mabatid na halaga at mamahaling alahas ng biktima.
May teorya ang mga imbestigador na nanlaban ang biktima dahil sa mga bakas ng dugo sa loob ng kubeta.
Kinondena naman ng San Fernando Filipino-Chinese Chamber of Commerce Inc. sa pamumuno ni Eddie Chua ang naganap na krimen at magbibigay ng P50,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga killer. (Ulat ni Ding Cervantes)