Kinilala ang mga nasawing sina Sonny Fronteras at Cornelio Barrios na kapwa narekober matapos na anurin ng malakas na agos ng tubig sa bayan ng Prosperidad , Agusan del Sur.
Kasalukuyan namang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga nawawala pang biktima ng flashflood.
Base sa ulat mula sa tanggapan ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) executive director ret. Major Gen. Melchor Rosales, ang flashflood ay sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan sa rehiyon ng CARAGA na nag-umpisa nitong nakalipas na Martes.
Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng flashflood ay ang mga bayan ng Prosperidad at Esperanza; pawang sa Agusan del Sur, Jabonga, Agusan del Norte at San Miguel, Surigao del Sur.
Nabatid na may anim na barangay ang sinalanta ng pagbaha na nakaapekto sa 181 pamilya at inilikas sa mga evacuation centers; 2, 587 pamilya naman ang binaha sa bayan ng Prosperidad at pitong barangay naman sa San Miguel, Surigao del Sur habang marami pa ang inilikas sa bayan naman ng Jabonga, Agusan del Norte.
Namahagi naman ng relief goods ang lokal na opisyal ng pamahalaan at ng Provincial Disaster Coordinating Council (NDCC) sa mga naapektuhan ng flashflood.
Patuloy naman ang isinasagawang paghahanap sa mga nawawala pang biktima ng nasabing kalamidad. (Ulat ni Joy Cantos)