Sa pinagsamang ulat ng Manila Rescue and Coordinating Center (MRCC) ng Air Transportation Office (ATO) at ni P/Senior Supt. Napoleon R. Estilles, Chief Regional Intelligence and Investigation Division, kinilala ang tatlong namatay na empleyado ng Chemtrade Aviation Corporation na sina Capt. Lamberto Melo, piloto ng eroplano, Capt. Melvin Regis, co-pilot at Capt. Mario Valdez, crew chief at tumatayong mekaniko.
Napag-alaman na ang bumagsak na eroplano (RTC 868) ay lumipad mula sa Tuguegarao Airport dakong alas-11 ng umaga kamakalawa at lumapag naman sa Maconacon Airport dakong alas-12:08 ng Sabado.
Matapos ang ilang minutong paglapag ay agad naman tumuloy ang eroplano na walang lulang pasahero maliban sa tatlo patungong Palanan, Isabela ngunit nabigo na itong lumapag matapos bumagsak may tatlong milya ang layo sa Palanan landing area.
May teorya ang mga awtoridad na posibleng masamang lagay ng panahon ang naging sanhi ng trahedya subalit sinisilip din ang ilang anggulo kung ano talaga ang naging dahilan nang pagbagsak ng RTC 868.
Ayon naman kay Major Rogelio Migote ng 5th Infantry Division, nahirapan ang militar na nagsagawa ng agarang pagresponde dahil sa kinailangan nilang maglakad sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre dahil sa sama ng panahon kung kayat di nila magawang gamitin ang mga helicopter.
Sa kasalukuyan ay narecover na ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang bangkay ng tatlong nasawi na pansamantalang nasa bayan ng Palanan habang patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad. (Ulat nina Victor Martin, Butch Quejada at Joy Cantos)