Ama tinodas ng kaaway ng anak

BULACAN – Isang 42-anyos na ama ang iniulat na nasawi makaraang barilin ng dalawang ulit ng mga nakaaway ng sariling anak sa Barangay Tawiran, Obando, Bulacan kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo at dibdib ang biktimang si Benjamin Centillas, samantalang ang mga suspek na nakilala lamang sa alyas na Sonny, Oneil, Uste at Rey na pawang kapitbahay ng mag-ama ay mabilis na tumakas matapos na isagawa ang krimen bandang alas-6 ng gabi. Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na tinangkang awatin ng biktima ang away na kinasasangkutan ng kanyang anak at mga suspek pero pinutukan siya ng dalawang ulit. May teorya ang pulisya na nairita ang mga suspek sa pakikialam ng biktima kaya siya ang binalingan. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments