Ex-CAFGU itinumba ng NPA
December 1, 2003 | 12:00am
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 25-anyos na dating kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang naglalakad ang biktima sa Sitio Sta. Lucia, Barangay 1 Pioduran, Albay kahapon ng madaling-araw. Hindi na binigyan pa ng pagkakataong mabuhay ang biktimang si Erwin Macinas na pinagbantaan na ng mga rebelde dahil sa masusing pagsuporta sa operasyon ng militar laban sa mga rebelde. Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na balak nang magtago ng biktima pero natiyempuhan naman ng mga rebelde na naglalakad papalayo sa kanilang bahay kaya naganap ang pamamaslang. (Ulat ni Ed Casulla)
PEREZ, Quezon Sintunado sa pagkanta ang naging dahilan kay nasaksak at napatay ang isang 32-anyos na mister ng senglot na lalaki sa loob ng videoke bar sa Barangay Bagon ng bayang ito kamakalawa ng gabi. Bukod sa napatay si Reynaldo Leop ng Brgy. Singirin, ay malubhang nasugatan naman ang kaibigan nitong si Lito Ecawat, 55 ng Brgy. Pambuhan matapos na masaksak din ng suspek na si Edwin Ludangco, 37, magsasaka ng Brgy. Mapagmahal na ngayon ay tinutugis ng pulisya. Ayon kay SPO2 Ferdinand Aguilar, nairita ang senglot na suspek sa sintunadong kanta ng biktimang lango rin sa alak kaya nakakantiyawan. Hindi rin tumigil ang biktima sa pagkanta ng sintunado kaya inundayan ng saksak sa dibdib at ang kaibigan nito ay nadamay. (Ulat ni Tony Sandoval)
CAMP AGUINALDO Patuloy na nagsasanay ang 31 kasapi ng Jemaah Islamiyah sa bagong kampo ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kagubatan ng Mt.Kararaw, Munai, Lanao Del Sur at sa hangganan ng Mt. Vietnam, Lanao del Norte. Ito ay kinumpirma ni Defense Secretary Eduardo Ermita matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa Armed Forces of the Phils. (AFP) sa gitna ng nakabinbing peace talks. Ayon pa kay Ermita na ang grupo ng terorista ay pinopondohan ng Al-Qaeda network terrorists na pinamumunuan ni Osama bin Laden. Nabatid pa na sinasanay ng JI ang ilang kalalakihang Pinoy para paghandaan ang nalalapit na paghahasik ng karahasan sa Kamindanawan sa mga darating na araw. (Ulat ni Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest