Kinilala ang mga biktima na sina Gasmin Aaron, Bong Aaron at Asdabin Galin, na halos hindi na makilala ang mga bangkay dahil sa grabeng pahirap na inabot bago tuluyang binistay ng bala.
Sa phone interview, sinabi ni Lt. Col. Renoir Pascua, spokesman ng AFP-Southcom, malaki ang posibilidad na mga Sayyaf ang may kagagawan base na rin sa istilo at hindi makataong pagpatay na siyang tatak ng nasabing grupo.
Lumilitaw sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap dakong alas-8:50 ng gabi sa Sitio Litakong, Brgy. Talisay ng lungsod ng Zamboanga.
Nabatid na kagagaling lamang ng mga biktima sa pagdarasal sa isang mosque nang abangan at harangin ng mga terorista na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas.
Ang mga biktima ay dinala sa Sitio Marangon, Brgy. Munti ng nasabing lungsod saka brutal na pinahirapan bago tuluyang tinadtad ng bala sa katawan.
Narekober ang bangkay ng mga biktima ilang oras matapos ang mga itong paslangin bandang alas-10 ng gabi.
Pinaniniwalaan namang ang pamamaslang ay may kinalaman sa aktibong pakikiisa ng mga biktima sa kampanya ng mga awtoridad kontra sa terorismong inihahasik ng bandidong grupo. (Ulat ni Joy Cantos)