Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Technical Sgt. Eduardo Saga, Intelligence Chief S-2 ng Armys 55th Infantry Battalion (IB) na nakabase sa Brgy. Townsite, Maluso, samantala, nakilala naman ang suspek na agad naaresto ng pulisya na si Emilyun Ditumupa.
Base sa ulat, ang insidente ay naganap sa loob ng kampo ng Armys 55th IB pasado alas-12 ng hatinggabi.
Ayon sa imbestigasyon ng mga nagrespondeng elemento ng pulis-Maluso, bago naganap ang pamamaslang ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng selosang kasintahan. Hindi naman nakialam ang mga kasamahang sundalo dahil isa lamang itong awayan ng mag-syota.
Sa kainitan ng pagtatalo ay bigla na lamang tinutukan ng suspek ang biktima at pinaputukan sa noo na siya nitong ikinasawi.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng kalibre .45 baril at isang magazine na may limang bala.
Kasalukuyan namang isinasailalim sa paraffin test ang suspek habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban dito. (Ulat ni Joy Cantos)