Bukod sa PAGCOR, sasampahan din ng hiwalay na kaso si Mayor Ramon Talaga Jr. ni Eduard Sybang, may-ari ng JES Bingo Recreation Center dahil sa pagkasira ng mga kagamitan sa loob ng naturang establisimiyento.
Tinatayang aabot sa P2 milyon ng ari-arian na sinira ni Talaga na kinabibilangan ng electronic flash board, computer at iba pang kagamitang ginagamit sa pagbola ng bingo games.
Nasaksihan ng may 400 sibilyan na naglalaro sa binggohan ang kagaspangan ng pag-uugali ng city mayor nang biglaang pumasok at hinatak ang mga card sa ibabaw ng mesa, hindi pa nasiyahan ay itinumba pa ang mga mesa, partikular na ang electronic flash board, gayundin ng mismong pinagbobolahan ng bingo.
Dahil sa ginawa ni Mayor Talaga ay napatigil ang paglalaro ng bingo at lahat ng tao sa nasabing establisimiyento ay napatunganga sa ginawa ng mayor lalo na nang dalhin nito sa kanyang pag-alis kasama ang mga bodyguard at ilang miyembro ng SWAT ang ilang kagamitan ng binggohan.
May teoryang tinuluyang sirain ang mga kagamitan sa JES Bingo Recreation Center dahil sa pagkabigo ng mga pulis na ipatupad ang ipinalabas na closure order sa nasabing establisimiyento.
Hindi naman itinanggi ni Mayor Talaga ang ginawa niya at sinabing nakahanda siya sa mga gagawing legal ng kampo ni Sybang.
Iginigiit ni Mayor Talaga na isang taon nang walang Mayors Permit ang naturang establisimiyento para ito ay mag-operate kung kaya dapat nang ipasara subalit sinabi naman ni Sybang na matagal na siyang kumukuha ng permiso ngunit ayaw lamang lagdaan ng mayor ang business permit. (Ulat ni Tony Sandoval)