Serial rapist gumagala

CAMP CRAME – Binabalot ngayon ng matinding tensyon ang mga residente ng Baguio City dahil sa gumagalang serial rapist na responsable sa panggagahasa sa apat na menor-de-edad na babae.

Kaugnay nito, patuloy naman ang isinasagawang surveillance operations ng Baguio City police para matukoy at masakote ang suspek.

Sa ulat ni Betty Fangasan, pinuno ng City Social Welfare Development Office, kinumpirma nito na may apat na batang babae ang nabiktima ng serial rapist na tinatayang nasa pagitan ng 35 hanggang 40 taong gulang.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang modus operandi ng suspek sa mga potensiyal o target nitong biktimahin ay ang magbigay ng P100.00 at imbitahan sa kahuyan ang mga kabataang babae.

Ang apat na biktima na di tinukoy ang mga pangalan ay nasa pangangalaga na ng Child and Women’s Protection Desk (CWPD) ng Baguio City Police Office.

Nabatid sa salaysay ng mga biktima, bakanteng lote sa Brgy. Military Cut-off ng lungsod sila ginahasa ng serial rapist sa magkakahiwalay na pagkakataon.

Sa kasalukuyan, aminado naman ang Baguio City police na hirap silang matukoy ang suspek dahil nagpapahinga ito ng ilang buwan bago isagawa muli ang panibagong pag-atake upang lansihin ang mga awtoridad. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments