2 tiklo sa P10-M marijuana

CAMP AGUINALDO – Dalawang kalalakihan ang iniulat na dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulis-Benguet makaraang makumpiskahan ng P10 milyong pinatuyong dahon ang marijuana sa isinagawang drug bust operation sa Benguet kamakalawa.

Base sa ulat kahapon, nakilala ang dalawang suspek na sina Avelino Palaci at Lorenzo Lauagan. Kinumpiska rin ang kanilang Besta van na may plakang USN 618 na naglalaman ng 240 kilong marijuana na tangkang ipagbili sa Baguio City. Bandang alas-4 ng hapon nang dumaan sa checkpoint ang sasakyan ng dalawang suspek na nagresulta sa pagkakadiskubre ang pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay pa sa sako at kahon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments