Ginang,dinukot at pinatay ng NPA

NAGA CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang ginang na pinaniniwalaang inakala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na tiktik ng militar at pulisya sa Barangay Carolina sa lungsod na ito kahapon ng umaga.

Ang biktimang kinaladkad mula sa kanilang bahay patungo sa plantasyon ng tubo ay nakilalang si Herminia Encada, samantala, ang apat na kabataang rebelde ay agad na nagsilayo matapos na isagawa ang pamamaslang bandang alas-12 ng hating-gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, hindi na nakapanlaban pa ang mga anak ng biktima dahil sa tinutukan sila ng baril habang kinakaladkad ang kanilang ina papalabas ng bahay.

Wala rin nagawa ang mga kapitbahay ng biktima sa takot na madamay sa pangyayari hanggang sa umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments