Ang bangkay ng mag-utol na sina Vanessa Ponce, 14 at Porferio Ponce ay itinapon sa liblib na bahagi ng Barangay Ibaning Bumbaran, Lanao del Sur at nadiskubre bandang alas-10 ng umaga.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na nakarating kahapon sa Camp Crame, lumalabas sa pagsusuri ni Doctor Calico Hadji Ali, municipal health officer na ang batang babae ay may palatandaang hinalay bago pinatay, samantala, pinahirapan naman ang batang lalaki bago sinaksak sa ibat ibang bahagi ng katawan at nawasak pa ang panga nito.
Nabatid pa na ang mag-utol ay anak ng mayamang magsasaka na nagmamay-ari ng malawak na lupain at pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng malaking halaga ang magulang kaya tinuluyan ang mga biktima.
Magugunitang dinukot ang mag-utol sa nabanggit na barangay habang naglalakad pauwi dakong alas-11 ng umaga.
Natukoy naman ang mga kidnaper na pawang tauhan ni Kumander Abu Manco, lider ng pipitsuging kidnap-for-ransom gang mula sa hanay ng mga rebeldeng Muslim at aktibong may operasyon sa nasabing lugar.
Napag-alaman pa na ang pangyayaring pagdukot ay nasaksihan ng mga tambay na kalalakihan pero hindi makapalag dahil na rin sa takot na madamay. (Ulat ni Angie dela Cruz)