Fake money artist arestado sa pagpeke ng P20 na ginawang P 1,000

Isang bagong modus operandi ang nadiskubre ng Western Police District sa paggawa ng pekeng pera matapos na maaresto ang isang "fake money artist" na ginagawang P1,000 ang isang P20 na perang papel sa dapat sana’y isang buy bust operation, sa lalawigan ng Cavite.

Iprinisinta kahapon ng WPD Headquarters ang suspek na si Gerry Conmigo, 39, may-asawa, tubong Camarines Sur at residente ng Section 13, Block 3, Lot 5, Sunny Brooks 1 Subdivision, General Trias, Cavite.

Sa ulat ng WPD-Anti-Drugs Special Operations Group, nadakip ang suspek dakong ala-1:15 kamakalawa ng madaling araw sa tahanan nito sa Cavite sa isang buy bust operation sa pamumuno ni P/Insp. Kimberly Molitas.

Sinabi ni Molitas na nakatanggap siya ng impormasyon buhat sa kanyang asset ukol sa illigal na operasyon ni Conmigo na isa sa malaking supplier ng droga sa lugar ng Malate, Manila.

Nakipagtransaksyon ang pulisya sa suspek sa pamamagitan ng cellphone ukol sa pagbili nito ng malaking halaga ng shabu. Nagkasundo naman ang mga ito na isagawa ang bentahan sa may General Trias, Cavite.

Pinasok ni Molitas ang bahay ng suspek kasama ang kanyang asset dakong alas-10:15 ng gabi. Dito pinaghintay muna ni Conmigo ang dalawa dahil sa wala pa ang order nila.

Dito naobserbahan ni Molitas ang paggawa ng suspek ng pekeng P1,000 buhat sa mga tunay na P20 na bill na binubura ang kulay at pinta nito bago palitan sa pamamagitan ng isang printer.

Inalok pa ang dalawa ng suspek na tumira ng shabu upang hindi antukin sa paghihintay sa kanilang order. Dito na tinimbrehan ni Molitas ang mga kasamahang pulis sa labas ng bahay sa pamamagitan ng pagpapamiskol sa cellphone.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dakmain siya ng mga pulis. Nakumpiska dito ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu; tatlong pirasong pekeng P1,000 bill; 15 pirasong P20 na binura na ang pinta, isang machine at mga kemikal.

Sinabi ni Molitas na epektibo umano ang ginagawang pamemeke ng suspek dahil sa hindi na halata ng sinumang pagbibigyan ng naturang pekeng pera dahil sa tunay na papel ng Bangko Sentral ang ginamit ng suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments