Tsismoso kinatay

LUCENA CITY – Naging ugat ng kamatayan ng isang obrero ang pagiging tsismoso matapos na ito ay pagtatagain hanggang sa mapatay ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng umaga sa kahabaan ng Claro M. Recto St. na sakop ng Brgy. 6 ng lungsod na ito.

Ang biktima na animo’y kinatay na hayop ay nakilalang si Wendell Tadiosa, may sapat na gulang, samantalang tumakas naman ang suspek na si Gregorio Ruiz, 54, may-asawa at kapwa residente ng Barangay 4.

Batay sa imbestigasyon nina SPO4 Romy Uy at PO1 Norman Dequito, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga.

Kinompronta ng suspek ang biktima nang makita niya itong naglalakad dahil sa ginagawang pagkakalat ng tsismis na may ibang kinalolokohang lalaki ang kanyang asawa. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa pumasok sa kanyang bahay ang suspek at paglabas ay may dala na itong itak.

Nakarating sa tindahan ng bigas ang biktima at doon ay pinagtataga ng suspek na ikinaputol ng kanyang mga daliri. Sa pangalawang taga ay naputol ang braso ng biktima nang salagin niya ang gulok at kahit duguan na ito ay nagawa pang tumakbo subalit nang aktong sasakay sa traysikel ay tinaga pa ito sa batok.

Nang bumulagta sa kalye ang biktima ay sinundan pa ito ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)

Show comments