Ambush: Gobernador ligtas, escort patay

CAMP CRAME – Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Sulu Governor Yusop Jikiri makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ng lokal na opisyal na nagresulta sa pagkasawi ng kanyang security escort sa Indanan ng nasabing lalawigan kamakalawa.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung mga bandidong Abu Sayyaf o mga kalaban sa pulitika ni Jikiri ang responsable sa pagtatangka sa buhay ng opisyal.

Kinilala ang nasawing pulis na si PO1 Jainal Yaser, security ni Gov. Jikiri na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan matapos masapul sa katawan.

Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-7:30 ng gabi sa Sitio Manang, Brgy. Dayuan, Indanan, Sulu.

Nabatid na kasalukuyang bumabagtas ang tatlong sasakyan ni Gov. Jikiri sa nasabing lugar nang paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan.

Napag-alaman na kagagaling lamang ng grupo ni Jikiri sa ginanap na inagurasyon sa nasabing lugar.

Sa kabila ng sunud-sunod na pagpapaulan ng putok ng mga suspek ay nagawang makaligtas ni Jikiri subalit minalas ang isa sa kanyang mga security escort.

Patuloy na isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments