SULYAP BALITA

Negosyanteng Hapones nagbigti
NUEVA ECIJA – May posibilidad na pagkalugi sa negosyo ang naging dahilan kaya nagbigti ang isang 44-anyos na Hapones sa sariling tindahan sa Barangay Caalibangbangan, Cabanatuan City, Nueva Ecija kamakalawa.

Ang bangkay ng biktimang si Tadaki Akazawa ng Akasaka, Tokyo, Japan ay natagpuan ng kanyang misis na si Anamy na nakabitin sa kisame ng naturang lugar.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na ang biktima ay naging malulungkutin may ilang araw bago pa mag-suicide dahil sa walang nakolektang pautang at sinabayan pa ng personal na problema na naging sanhi ng pangyayari. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
Tiktik ng militar itinumba
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Dinukot muna bago pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang tiktik ng militar ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa plaza ng Barangay San Jose, Uson, Masbate kahapon ng umaga.

Iniharap sa taumbayan bago binaril ng ilang ulit sa ulo at katawan ang biktimang si Jose Aresgado, 39, magsasaka ng nabanggit na barangay.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, natutulog ang biktima sa kanyang bahay nang kaladkarin palabas ng mga rebelde at iharap sa taumbayan saka isinagawa ang pamamaslang. (Ulat ni Ed Casulla)
Tindahan sa gasolinahan hinoldap
CAMP CRAME – Hindi pinalagpas ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki na holdapin at nakawan ng malaking halaga ang ilang namimili sa convenience store sa gasolinahang sakop ng Barangay Poblacion Proper, Concepcion, Tarlac kamakalawa ng umaga.

Base sa ulat na ipinarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang krimen bandang alas-5:30 ng umaga matapos na magpanggap na customer ang dalawang holdaper saka isinagawa ang paninikwat.

Wala namang nasugatan sa naganap na holdap dahil sa takot na rin ng mga mamimili sa loob ng convenience store na mapatay. (Ulat ni Joy Cantos)
Barangay chairman nilikida
LIBON, Albay Isa na namang barangay chairman ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) bilang paghihiganti sa napatay na tatlong rebelde sa naganap na engkuwentro sa nasasakupang barangay ng biktima sa Sitio Padas, Barangay Zone 4 sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Tinaniman ng maraming bala sa katawan ang biktimang si Bryan Oliver, 39, may asawa, negosyante at residente ng Barangay Along-ong, Libon, Albay.

Agad namang tumakas ang mga rebelde sakay ng motorsiklo matapos na itumba ang biktima na natiyempuhang naglilinis ng sariling trak sa gilid ng kalsada. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments