Ang inireklamong mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay nakilalang si Mayor Feliciano Legaspi, mga konsehal na sina Florencio Saplala, Santiago Ramos, Teodoro Gener, Patrick Gener, Honorato Cruz, Danilo Bayo, Bunso Santos, Erlinda Sombillo, SK Chairman Vanessa Palad at ABC President Baltazar Espiritu.
Sa 2-pahinang isinumiteng reklamo sa pangunguna ni Vanguard Anti-Graft Task Force secretary-general Atty. Ely Convocar, nakasaad na inaprobahan ng Sangguniang Bayan na nilagdaan naman ni Mayor Legaspi ang resolusyon sa pagpapalabas ng P15 milyong pondo mula sa kaban ng bayan ang ibinayad sa ektaryang lupa na pag-aari ng pamilya Santos-Halili habang P60 milyon naman ang inutang sa PNB para sa pagpapagawa ng palengke.
Subalit matapos ang proyekto ay natuklasan ng nasabing task force na aabot lamang sa P9 milyon ang ibinayad sa pamilya Santos-Halili at ang P30 milyon naman ang nagastos sa pagpapatayo ng palengke.
Mariing pinabulaanan naman ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Norzagaray ang isinampang reklamo laban sa kanila at nagsabing ligal lahat ng mga papeles sa proseso ng bilihan ng lupa at pagpapagawa ng palengke. (Ulat ni Efren Alcantara)