Ayon sa ulat na nakarating sa kampo ng pulisya sa Basilan, nagkaroon ng matinding bakbakan at palitan ng putok sa pagitan ng dalawang mortal na magkakalabang angkan.
Sa naantalang ulat ng pulisya, tumagal ng 30-minuto ang sagupaan na nagresulta sa pagkasawi ng inosenteng sibilyan kabilang na ang tenyente ng militar.
Dalawa sa sibilyan ay nakilalang sina Aldam Abua at Fuljam Hamja, samantala, sa panig naman ng militar ay pansamantalang hindi nabatid ang mga pangalan kabilang na ang isang tinyente habang si Manan Jairin ay malubhang nasugatan.
Matapos na kumalat ang balita noong Miyerkules, Setyembre 3, 2003 ay agad na nagpadala si Brig. Gen. Bonifacio Ramos, hepe ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army ng mga sundalo upang awatin ang kaguluhan.
Inatasan ni Ramos ang lahat ng Battalion commander sa Basilan na dis-armahan at kumpiskahin ang mga baril ng dalawang angkan subalit tinambangan ng mga armadong kalalakihan.
Bumulagta agad ang apat na sundalo kabilang na ang isang tinyente matapos na salubungin ng putok habang papasok sa war zone. -(Ulat ni Boyet Jubelag)