Broadcaster/columnist dinedo

STA, CRUZ, Laguna – Isa na namang broadcaster at columnist ng lokal na pahayagan ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang biktima ay nasa harap ng sariling bahay sa Sitio Matahimik, Barangay Duhat, Sta. Cruz, Laguna kamakalawa ng gabi.

Walang buhay na iniwan ang biktimang si Noel Villarante, 32, columnist ng Laguna Score community newspaper at broadcaster ng radio station DZjv, matapos na itumba bandang alas-6:45 ng gabi sa harap mismo ng kanilang bahay sa nabanggit na barangay.

Ayon kay P/Chief Insp. Josemarie Paras, police chief ng nasabing bayan na lumabas ng bahay ng biktima patungo sa kanyang FX pickup na nakaparada sa kahabaan ng national highway nang biglang sumulpot ang mga hindi kilalang lalaki at agad na nagpakawala ng ilang putok ng baril.

Kahit na may tama ng bala ng baril si Villarante ay nagawa pa nitong tumakbo sa kanyang bahay para humingi ng tulong sa asawa at dalawang kapatid.

"May tama ako, mabubuhay ako" ito ang huling kataga ni Villarante sa asawa.

Habang inilalabas ang biktima sa bahay patungo sana sa ospital ay namataan ng asawa’t dalawang kapatid na may lumalapit na armadong lalaki kaya napilitang bitawan nila si Villarante at magkubli.

Dito na pinaputukan sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima habang nakatimbuwang sa semento sa harapan ng sariling bahay para makasigurong patay na nga si Villarante.

Agad na nagsitakas ang mga killer sakay ng kulay pulang Adventure na walang plaka sa hindi nabatid na direksiyon.

Sinabi pa ni Paras na pawang mga professional hired killers ang nagsagawa ng krimen dahil sinigurong patay ang biktima bago iwanan.

May palagay ang pulisya na bawal na droga ang isa sa dahilan ng pangyayari dahil patuloy na bumabatikos ang biktima laban sa sindikato ng droga sa nasabing lugar na naging sanhi para salakayin ang 25 kabahayan na pinagkukutaan ng mga tulak. (Ulat nina Rene M. Alviar,Joy Cantos at Arnell Ozaeta)

Show comments