Bus sinunog ng NPA rebs

CAMP CRAME – Naghasik na naman ng karahasan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang manunog ng pampasaherong bus sa Sitio Lemon, Barangay Bitoon Ilaya, Cuartero, Capiz kamakalawa ng hapon.

Base sa ulat ng pulisya na ipinarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang pangyayari bandang alas-3 ng hapon matapos na sumakay sa Ceres Bus ang limang rebelde na nagpanggap na pasahero.

Hindi nagtagal ay tinutukan na ng mga rebelde ang driver at kondoktor ng pampasaherong bus bago inatasang bumaba ang lahat ng pasahero.

Dinala ng mga rebelde ang pampasaherong bus na nagkakahalaga ng P3 milyon sa nasabing barangay.

Sinalubong naman ng ibang rebelde ang bus bago binuhusan ng gasolina at sinilaban pero hindi naman sinaktan ang driver at kondoktor.

Agad namang pinagbigay-alam ng mga pasahero ang naganap na pangyayari sa himpilan ng pulisya.

May teorya ang mga awtoridad na patuloy na tumatanggi ang may-ari ng bus na magbigay ng revolutionary tax sa makakaliwang kilusan kaya naganap ang pangyayari. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments