2 bangkay na pugot lumutang sa dagat

CAMP CRAME – Sinakmal ng matinding sindak ang isang barangay sa Ilocos Sur matapos lumutang ang dalawang naaagnas na bangkay ng di pa nakilalang lalaki na kapwa walang ulo kamakalawa ng umaga.

Base sa ulat, dakong ala-6 ng umaga nang mamataan ng mga mangingisda ang dalawang bangkay habang hinahampas ng alon sa baybaying-dagat ng Brgy. Bungro, Magsingal, Ilocos Sur.

Ayon sa ulat, natagpuan ang dalawang naaagnas na bangkay malapit sa kani-kanilang ulo na pawang lumulutang din.

Ang mga bangkay ay tinatayang may taas na 5’6" at kapwa nakatali ang mga kamay.

Isa sa mga biktima ay nakasuot ng cordoroy pants, leather belt at kulay orange na t-shirt, habang ang isa naman ay nakasuot ng long sleeve na may guhitang asul at puti at pantalong maong. Wala namang identification cards na nakuha sa katawan ng mga biktima.

May teorya ang pulisya na biktima ng "summary execution" ang mga biktima bago itinapon sa Catbameng brook hanggang sa ipadpad sa karagatan (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments