Tumangging paligawan ang pamangkin tinodas

Binaril at napatay ang isang magsasaka ng security guard makaraang tumanggi ang biktima na paligawan ang sariling pamangking babae sa Barangay Panthay, Cordona, Rizal kamakalawa ng gabi.

Umalingawngaw ang malakas na putok ng baril at duguang bumulagta si Carlos Laurio, 39, ng nabanggit na barangay, samantala, agad namang tumakas ang suspek na si Josepher Rodelio, 22, nakatalagang security guard sa National Food Authority (NFA) warehouse sa nasabing bayan.

Base sa imbestigasyon ni SPO2 Reynaldo Carlos, naitala ang krimen bandang alas-9 ng gabi makaraang magtalo ang dalawa tungkol sa panliligaw na ginagawa ng suspek sa pamangking babae ng biktima.

Napag-alaman na minasama ng biktima ang panliligaw ng suspek kaya kinompronta nito hanggang sa magkainitan na humantong sa pamamaslang. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments