5 NPA, 2 kawal at 2 sibilyan dedo sa sagupaan

DINALUPIHAN, Bataan – Limang rebeldeng New People’s Army (NPA), dalawang kawal ng Phil. Army, at dalawang sibilyan ang kumpirmadong napatay, samantala, lima naman ang malubhang nasugatan makaraan ang madugong sagupaan sa Barangay Pagalanggang sa bayang ito noong Martes ng hapon.

Isa sa limang rebelde ay nakilala lamang sa alyas Ka Jumar, samantala, sa panig ng militar ay sina Sgt. Timothy Epad at S/Sgt. Edgar Patay na kapwa miyembro ng 24th Infantry Battalion at ang dalawang sibilyang sina Jonel Aguilar at Angelo Magsanoc, 13, high school student ng Sapang Balas.

Ginagamot naman sa Jose Payumo Jr. Hospital sina P/Supt. Sahiron Salim, Bataan police director; PO1 Hajim Bain, PO3 Sali Suraidi, PO1 Fernando Magpayo, Sgt. Mario Isoc ng Philippine Army.

Narekober ng mga awtoridad ang limang malalakas na kalibre ng baril, hindi mabatid na bilang ng bala at mga subersibong dokumento na may kaugnayan sa makakaliwang kilusan.

Base sa ulat ng pulisya, bago pa maganap ang engkuwentro ay napatay na ng mga rebelde ang dalawang sibilyan kaya nakatawag ng pansin kay Barangay Chairman Rolando Buniag.

Agad na ipinagbigay alam kay P/Sr. Insp. Rommel Velasco, police chief ng Dinalupihan ang pangyayari kaya mabilis na nagresponde kasama na ang tropa ng militar mula sa 24th Infantry Battalion at miyembro ng kapulisan ng Hermosa at Orani, Bataan sa pangunguna ni P/Sr./Supt. Salim.

Dito na nagsimula ang madugong engkuwentro na tumagal ng dalawang oras at kalahati hanggang sa magpulasan ang mga rebeldeng grupo ni Ka Tayao ng Kilusang Larangan Gerilya matapos na malagasan. (Ulat nina Jonie Capalaran,Jeff Tombado at Joy Cantos)

Show comments