Magkakasamang dumulog sa himpilan ng pulisya ang mga biktimang sina Christopher Atutubo, 13, estudyante; Eman Denden Tomas, 15; at Rowell Tolentino, 13, na pawang residente ng Dasmariñas, Cavite.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Ronquillino Quintanilla, alyas Putol; Roy Vargas, alyas Hepe; dalawang nakilala lamang sa alyas na Benjie at Kiko na pawang barangay tanod ni Barangay chairman Eduardo Sauler.
Base sa imbestigasyon ni PO1 Melanie Lobusta, bandang alas-10 ng umaga nang mamulot ng mga pirasong bakal at bote ang mga biktima sa Grandville Subdivision sa nasabing barangay.
Namataan ng mga suspek ang tatlong biktima kaya sinita nila sabay tinutukan ng baril bago pinagtulungang gulpihin. Matapos ito ay dinala ang mga biktima kay Sauler saka pinagbunot ng damo sa harapan ng bahay.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, pinakain pa ang mga biktima ni Sauler, ngunit pinagbantaan bago pinauwi bandang alas-6 ng gabi.
Isinama sa reklamo ng mga biktima si Sauler dahil sa ginawang pagbabanta sa kanilang buhay. (Ulat ni Cristina G. Timbang)