1 pang killer ng radio commentator timbog

Lucena City, Quezon – Isa pa sa killer ni DWTI radio commentator Apolinario "Poly" Pobeda ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Tayabas, Quezon kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/ Sr. Supt. Federico Natnat Terte, Officer-in-Charge ng Quezon Provincial Police Office (PPO) ang suspek na si Leonides Alcantara, 40 anyos, isang helper, tubong Sariaya, Quezon at naninirahan sa Landing, Brgy. Mababang Iyam ng nasabing lungsod.

Ang suspek ay nalambat ng Task Force Poly mula sa pinagsanib na elemento ng Quezon PPO, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng isang videoke/restaurant sa Brgy. Lakawan sa bayan ng Tayabas dakong alas-4:30 ng madaling araw.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte laban dito matapos na masangkot sa pagpaslang sa beteranong radio commentator.

Nakuha sa posesyon ng suspek ang apat na sachet ng shabu na inaalam pa kung ilang gramo at magkano ang halaga.

Magugunita na noong Mayo 30 ay unang nadakip ang magkapatid na Eulogio at Eric Patulay na suspek rin sa pagpaslang kay Pobeda.

Kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing tactical interrogation ang suspek habang patuloy pa ring inaalam ang mastermind sa pagpaslang kay Pobeda. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)

Show comments