Lola timbog sa shabu

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang 55-anyos na lola na bagong laya dahil sa kasong droga ang iniulat na muling dinakip ng mga elemento ng pulis-Indang dahil sa pagkakakumpiska ng 2.5 gramo ng shabu sa Barangay Buna Lejos, Indang, Cavite kamakalawa ng hapon.

Ang suspek na si Leoncia Olaes ng Barangay Salitran, Dasmariñas, Cavite ay kinasuhan kahit pansamantalang nakalalaya dahil sa nagbayad ng piyansa.

Sa imbestigasyon ni PO1 Gregorio Cuevas, may nagbigay ng impormasyon sa pulisya na magde-deliver ng shabu si Olaes sa isang nagngangalang Jimmy Diloy kaya nagsagawa ng pagtitiktik.

Nang lapitan ng mga awtoridad si Olaes na may dalang botelya ng pulbos ay inimbitahan ito sa himpilan ng pulisya at lumalabas sa pagsusuri na ang dalang botelya ay naglalaman ng droga. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments